Monday, January 5, 2009

PMW

KASAMA sa pangarap ko ang bumuo ng pangarap ng iba. Kaya naman nang mabiyayaan akong maging Creative Director para sa elite events group ng limang premiere radio stations, nagkaroon ako ng pagkakataong humabi ng ilang mga pangarap.

Bilang Creative Director kailangang hitik ka sa ideya, kailangang handa kang mag-isip nang mag-isip ng mga konseptong hindi conventional, yung bang mga ideyang ipapanganak mo sa labas ng kahon (out-of-the-box, ‘ika nga). Kailangang may pitik ka sa utak, kailangang kumakalansing ka sa mga konsepto. At kapag kinatok mo ang bungo mo, kailangang bumaha ang mga bagong-katas na ideya. Naisip ko tuloy: siguro kapag inalay sa blender ang utak ko, baka pinakbet slurpee ang lumabas. Naglayag pa ng husto ang kukote ko: Ano kayang kumbinasyon ng mga ideya ang makakatas para maging dinengdeng o kaya’y pinapaitan? Syempre, may konting kapilyuhan din sa loob ng aking beautiful mind: O kaya, paano kung lambingin ang mga konsepto sa utak ko, bayuhin nang bayuhin hanggang tumalsik ang orgasmo ng mga ideya, bongga ‘yun di ba?

Isa sa mga tumalsik na konsepto ang The First Philippine Models’ Weekend (PMW).

Nakahuntahan ko ang ilang glamazonang modelo mula sa Professional Models Association of the Philippines (PMAP), bumaba sila sa lupa at nagsabog ng kasosyalan habang humihigop kami ng mainit at may-kamahalang-may-katabangang kape. Iisa ang lament ng mga models na itich—halos walang bagong henerasyon ng mga Pilipinong modelo ang rumarampa sa catwalk at iilan lamang ang nag-eemote sa harap ng camera. Hindi keri ng PMAP na tila natapos ang mga pangarap ng mga Pilipinong modelo kina Rocky Salumbides (na paboritong model ni mareng Donatella Versace) at Charo Ronquillo (ang Kate Moss look-alike na win galore sa isang prestigious international model search). Huwag ring kalimutang sandamukal na foreign models ang fly to this Land of Bagoong and Broken Dreams para mag-maw (‘maw’ ang tawag sa mga modelo sa lenggwaheng fashionista). Tagtuyot ang matres ng Philippine fashion modeling, at tila nagpa-ligate ang industriyang minsang ginawang anthem ang “Vogue” ni Lola Madonna.

Tumengga na nga ba ang Pinoy sa larangan ng pagmo-modelo? Panahon pa nga naman ni John en Marsha nang magkaroon tayo ng mga Ana Bayle at Mimilanie Marquez. Nasaan ang mga bagong Tina Maristela, ang mga Gina Leviste, Frances Dionisio, Marina Benipayo, Issa Gonzales, Myrza Sison, Lala Flores at Adelle Go? Sino na ang susunod sa mga yapak nina Rissa Samson, Wilma Doesnt at Tweety de Leon?

Hindi ako pwede, busy ako.

Kaya nagpatawag ako ng go-see (audition para sa mga modelo). Pronto, nagpakawala ako ng announcement sa radyo—isang daang modelo ang ite-train ng libre ng mga premyadong fashion insiders—mga fashion editors, stylists, paham na photographer at mga designers.

Nagpaunlak ang mga kaibigan ko sa industriya na umayon sa layunin ng PMW. Nanduon ang dati kong fashion editor na si Vic Sevilla, andun din ang mga iginagalang kong editors na sina AA Patawaran at Hector Reyes, ang mga prestisyosong designers na sina Dong Omaga-Diaz at Leonardo Dadivas at Puey Quinones, ang maaasahang dyosa’t kaututang-dila ko na si Wilma Doesnt at ang matalik kong kaibigan slash underrated fashion photographer na si Ricky La Dia.

Maswerte na, ‘ika ko, kung maka-dalawang daan kami ng mga mag-aapply, pero naghimala ang fashionista kong Ninang Engkantada—umabot kami ng humigi’t kumulang sa limang daan! Dinumog kami sa araw ng go-see. Nasa ika-siyam na palapag ang opisina ko, umabot hanggang lobby ng building ang pila ng mga gustong mag-modelo. Muntik kaming talakan ng Security Office at nagmistulang pila sa rasyon ng Dinorado rice ang go-see. Mahihiya ang NFA at siguradong mas blockbuster ang audition ko.

Na-realize ko, hindi pa nakabaon sa lupa ang pangarap ng maraming maging modelo. Buhay na buhay at nag-aalab pa rin ang pangarap ng marami. Ang kulang lamang ay mabisang pagtulong mula sa mga taga-industriya. Nalungkot akong bigla. Sinisi ang sarili. Kami pala ang nakalimot, kami pala ang nagpabaya. Pero hindi pa huli. Kahit gaano kasimple, kahit gaano kaliit, maari kaming makapag-ambag ng palad para sa industriyang minsan at patuloy na kumukupkop sa aming mga pangarap.

Maswerte akong maisadlak ng kapalaran sa fashionistang mundo ko ngayon. Wala sa hinagap ko na maituring na isang eksperto o hiranging magaling sa larangang ito. Pero bago pa man mag-PMW, nakapagdirek na ako ng mga fashion shows para sa ilang foreign at local fashion brands. Ilan sa mga photoshoots na kinunsepto at dinirek ko ang lumatag sa ilang billboards sa Edsa.

Hindi eksaheradong sabihing isang tumpok isang mamera ang mga so-called ‘direktor’ ngayon. Lahat na lang nagdidirek. Lahat na lang nagmamagaling. Lahat na lang may nakabulsang attitude at tantrums na handang humagupit sa anumang sandali. Lahat na lang nakaangas ang ilong sa ere na minsan lamang na makapag-direhe ng isang simpleng song and dance number ay astang pang-Broadway na. Nakakaumay ang mga ilusyon at mga angas. Hindi nagsisimula ang pagdidirek sa pagpindot ng button at hindi natatapos ang pagdidirehe ng ilaw sa strobe lights at fog machine.

Sa tulong ng maraming kaibigan, sa pinagsama-samang experience at humbled expertise at sa pinagbuklod na pagmamalasakit, buong pagpapakumbaba naming ginawa ang PMW.
Iba’t-ibang klase ang dumating sa araw ng go-see. Maraming nagpapabata, maraming nagpapatanda. Maraming con todo sa kolorete, maraming kuba na sa dami ng accessories, samantalang karamiha’y namumuhunan lamang ng pagbabakasakali.

Marami sa kanila’y may nakahandang sinaulong mga linya—parang mga kinabisadong sagot sa mga tanong sa unang job interview. Kahit po ano gagawin ko, ang nakakatakot na pangako ng ilan; may mga aroganteng tiwalang-tiwala sa sarili—marami pong kumuhuha sa akin; samantalang ang iba’y lakas lamang ng loob at kapal ng mukha ang baon—maganda naman po ako di ba?

May mga kuminang sa audition, may mga pasang-awa at maraming nagmakaawa. Halos iluwa ng ilan ang lahat ng kanilang mga bagang sa tuwa kapag sila’y nakakapasa, samatalang damang-dama ko ang pagkalugmok ng marami kung sila’y nakakatanggap ng iling.

Dalawang araw lamang ang workshop, pero naramdaman ko ang rubdob ng mga model wannabes na matuto. Sa rehearsal para sa fashion show (kung saan ipre-present ang mga modelo sa mga taga-industriya), marami ang nakatikim ng mga pinaghalong sigaw at papuri. Kinatay ang mga rampang lampa, hinipan ang mga dibdib ng ilan na kulang sa kumpyansa at ipinamukha sa marami ang potensyal na nakita namin sa kanila sa araw pa lamang ng go-see.

Malaki ang ikinagulat ko sa galing ng mga modelong ito. Marami ang yumabong sa rampa, marami ang kumislap kasabay ng mga flash bulbs ng mga camera. Umangat ang ilang mga pangalan—si Patricia Garcia na kikimi-kimi sa rehearsal ngunit bumulaga sa gabi ng palabas; si Nikita Conwi at Crystel de los Reyes na kumain ng papuri mula sa maraming taga-ad and casting agencies, sina Jessica Martinez, Krishna Sing, Sheryl Tolentino, Andromeda Reyes, MJ Abuel, Jana at Aiko Ramirez na malao’t madali’y tiyak na mamumulaklak sa industriya; sina Smile Dimalanta, Marj Daez at Jekzie na nangibabaw sa kanilang kakaibang ‘look.’

Hindi nagpahuli ang mga kalalakihan—sina Andre, Kyle, James Mendoza, Laurence Rafer, Vince Salas, Vince Andres, Mico Alvarez, Kim Alvares, Frincks Maye, Earvin Aquino, Joash Balejado,Jay Almeda, Vince Ricafrente, Pete Cureg, Darwin Dazo, JP Ancheta at si Jay-R Salud.

Pangalan lamang ang ilan sa kanila ngayon, pero naniniwala ako—alam ko—sila ang mga mumunting pangarap na tumupad sa sarili kong pangarap.


(PMW models' pictures posted at Friendster philmodelsweekend@yahoo.com)





.

8 comments:

Anonymous said...

hey sir louie!
super thanks for the opportunity! and the write up in your blog. hehe. i hope to work with you soon! i miss everyone!

love,
nikita

Anonymous said...

grabeeeee! i love PMW!!!!!

Anonymous said...

Correction ng aking po alias ako po si Binibining Jexzy Dagang hindi po Jekzie sa spelled isa po sa participate ng unang PMW.

Napakatalanghaga at isang inspirasyon ng iyong pamamahayag Ginoo Cano. Sana sa susunod na proyekto makabuo kayo ng magandang presentasyon- konsepto nasa uso lalong palawakan idea sa palabas.

Binabati kita, sa iyong aklat.

- JEXZY ^-^

Anonymous said...

http://www.deena-jexzydagang.blogspot.com/

Anonymous said...

this blog entry has moved me sir louie.thank you so so much.but again,its jana HABEL and not MILAN :p

Anonymous said...

Hi Direk Louie...nice blog...super miss ko na po kayo...hope to work w/ u again...wag nio po kami kakalimutan...=) MARAMING MARAMING SALAMAT PO SA LAHAT..i would never get tired of thanking you Sir Louie...ur the best...PUPians rocks!! =) Godbless..

-Cyndi Yumping =)

Anonymous said...

Hi Direk Louie...nice blog...super miss ko na po kayo...hope to work w/ u again...wag nio po kami kakalimutan...=) MARAMING MARAMING SALAMAT PO SA LAHAT..i would never get tired of thanking you Sir Louie...ur the best...PUPians rocks!! =) Godbless..

-Cyndi Yumping =)

Anonymous said...

ako po ay isa sa mga nakapanood ng PMW at masasabi ko pong maganda ang inyong presentasyon at ang pagkakasunod - sunod ng inyong mga modelo ngunit isa lang po ang napansin ko... wag po sana itong ikakasama ng inyong loob, medyo natagalan po kasi ang simula ng inyong programa noong gabi ng Fashion Show, sana lang po sa susunod ay tumama na po ito sa oras, salamat po sa inyong pagbasa... (sir, NOSEBLEED! HEHEHEE)