Sunday, May 3, 2009

Batibot

(Excerpt mula sa susunod kong libro.)



MAAGA akong natutong mag-Batibot (nag-utak latak ka na naman, hindi iyong pagja-Jackielou na nag-iiwan ng misteryosang mantsa de crema sa punda at unan—pero okey din ‘yun, hehehe—kundi Batibot, yung pambatang programang pantelebisyon).

“Pagmulat ng mata, langit nakatawa sa Batibot…” ang panggising ko sa umaga noong rilyebo dise-something pa lang ako. Kahit na pambata pa ang direktang audience ng programa, nakatutok ako rito araw-araw. Naging kadikitkosiPongPagong, nakabarkada ko si Kiko Mantsing, at nakipag-kenkoyan ako kay Kapitan Basa. Mga amiga ko si Ate Gingging at Ningning, sosyalan associates ko sina Ate Sienna at Kuya Bodjie, at si Manang Bola—siya ang unang Madam Auring ng buhay ko.

Hindi palamuti sa panulat ang nabasa mo dahil minsan na akong tumira sa Batibot.

Unang lasap ko ng pagiging isang lehitimong manunulat ang programang Batibot. Nakatengga lang ang mundo ko noon na malimit kong ginugugol sa pagwawaldas sa mga walang kapararakang bagay—nangongolekta ako ng buntung-hininga, nangangarap ng gising at naghihintay na may mangyari sa buhay kong alam kong magiging bongga balang-araw (yup, eternal sunshine ang optimism ko habang naghihintay ng lubusan kong pagiging dyosa).

Wala na yatang mas nakakabagot pa kaysa pagurin ang sarili ng walang ginagawa sa maghapon at magdamagang mag-walking doll sa gabi. Pero kahit pa Maria Leonora Teresa ang role ko sa madaling-araw (sumalangit nawa ang mahaderang manyikang ito ni Ate Guy at Kuya Pip), nahahanapan ko rin ng pakinabang ang ritwal na ito.

Naalala ko pa, sa gitna ng mahahabang ‘paglalakbay’ sa pag-iistariray kapiling ang mga bituin sa haba ng gabi, travel galore din ang imahinasyon ko. Sumasabay sa pagrampa ang pagsilang ng mga bagong ideya. At kung may matisod man akong nais makipag-“Pare, tripping tayo…” e, bonus na lang ‘yun.

May mga nabubulsa akong mga ideya sa milya-milya ng mga pinagsama-samang pagrampa. Ewan ko, pero parang inihahanda ko ang sarili ko noon sa hinaharap bilang isang manunulat. Lahat lang nasa isip ko. Nagpapatangay ako sa ilusyong isa akong writer na tila ba may deadline na dapat na tapusin. Iba-ibang mga plots, mga karakter na gusto kong gawan ng kwento, mga opinyon na gusto kong ilapat sa papel—sila ang mga kasabay ko sa magdamagang rampa at sila rin ang ‘take home’ ko pag-uwi. Kaya naman malimit, may bitbit akong bolpen at mga pira-pirasong papel (mga tiket sa bus, mga palara mula sa pabalat ng Marlboro, mga retaso ng tissue papers, atbp.) at pagtuntong ko ng bahay, isa-isa ko silang ililipat sa isang maliit na notebook na bangko ko ng mga ideya.

Nakakaloka, karamihan sa mga una kong akda sa mga nauna kong columns sa Woman Today, Glitter, MAX magazine, Look magazine at The Manila Bulletin ay ipinanganak mula sa ibat-ibang sulok ng Cubao, Espana, at Malate. Pero bago pa man yumabong ang by-line ko nang bonggang-bongga, sa Batibot ako nahasa at nag-umpisang magsulat.

Rewind. Mahilig akong manood ng sineng cartoon, at natatandaan ko pa sa animated Cinderella movie (sa dating SM North Edsa Annex Cinema) ko nakilala ang isa sa mga pinagkakautangan at hinahangaan kong paham ng literaturang Pinoy—si Rene O. Villanueva.

Kakaunti lamang ang nanunuod ng pelikula, siguro’y sawang-sawa na ang tao sa istorya ni Cinderella. Sino nga naman ang di nakakaalam ng kwento niya—inaping murat ng kanyang mga chakang stepsistahs at tiyahing mala-Estrella Kuenzler ang angil factor (hindi ko problema kung di mo kilala si Estrella Kuenzler), pinagkalooban ng kanyang Ninang Engkantada ng mahika blanca, gumimik sa Palasyo, nakipag-aura-han sa dancefloor, nakipag-eyeball sa Prinsepe, nawindang sa curfew at naiwan ang kanyang sapashoes at blablahblah.

Nang bumandera na ang closing credits, umeksena ako sa lobby. Nagpa-delicious ako sa mga nasa paligid habang sinisino ang mga kanina’y nagmamaganda pero ngayo’y magaganda lang pala sa dilim. May dumapong sitsit sa akin. Tumengga ang ilong ko sa hangin, tumulis ang nguso at sinadyang huwag lumingon sa pinanggalingan ng sutsot. Pssst, may lighter ka? Syempre dedma ang pamhinta. Hindi pang-sutsot ang gandah ko, ‘noh?!

“Psssst, sabi ko kung may lighter ka…” sitsit con kalabit na ang eksena ng Sutsotero.

“Hmm, bawal po manigarilyo rito…” sabi ko.

“Hindi ‘yun ang sagot sa tanong ko…”

“Kung gusto po n’yo ng sagot, sa iba po kayo magtanong.” Hmp, hindi ko na natiis, naging mga salita na ang mga naipong asar sa utak ko.

“Maanghang ka…” nakangising sagot ng nagtatanong.

“Sitsaron.”

“Sitsaron?”

“Baon ko kanina sa sinehan. At humigop po ako kanina ng sukang may labuyo. Hindi lang maanghang, kundi maasim at maalat.”

“Mataray ka. Bakla ka?”

“Pa-mhinta.”

Nakapinta ang huh? sa mukha n’ya.

“Pa-mhin.” Ang shonga, pa-mhinta lang di pa alam.

“Kaya pala maanghang ka.”

“Taga-Bikol po ang nanay ko.”

“May lighter ka nga?”

“Bawal nga po manigarilyo dito sa sinehan…ayaw ni Mahal del Mundo.”

“Hindi ‘yun ang sagot sa tanong ko. May lighter ka ba?”

“Hindi po ako naninigarilyo.”

“Hindi ‘yan ang sagot sa tanong ko. May lighter ka nga ba?”

Nahinog ang naipong grrr sa aking sinapupunan.

“Alam n’yo, ‘yan po ang hirap sa mundong ito. Punung-puno tayo ng mga tanong, hanap tayo nang hanap ng sagot. At bago pa man natin masagot ang una nating tanong siguradong manganganak at manganganak pa ito ng iba pang tanong. Mahirap po yatang sagutin ang tanong kung nakabulsa na ang gustong isagot ng nagtatanong…” huminto ako sandali for effect…“WALA…PO..AKONG…LIGHTER.”

“Hahaha!”

Natuwa pa. May pagka-masokista yata.

“Gusto kita. Marunong ka bang magsulat?”

“H-ha?! Uhm..oo…hindi..yata..ewan. Bakit ho?”

“Basta isulat mo sa papel ang nasa isip mo. Pakinabangan mo ang anghang mo.”

Nagpakilala siya bilang creative writer ng Batibot at inimbitahan akong subukang mag-contribute ng script.

Nagkape kami. Natuklasan namin ang maraming pareho sa amin—ang mga librong pareho naming nabasa, ang hilig namin sa pelikula, ang pagmamahal namin kay Ate Guy, ang pagkadismaya namin sa gobyerno, at kung anu-ano pa.

Nagbatuhan kami ng mga ideya. Marami sa mga naka-bangkong konseptong bunga ng mga magdamagang paglalayag ang lumutang, kaya nalunod siya sa mga naipon kong mga ideya. Binigyan ako ng isang linggo upang ilatag ang lahat sa papel, at dahil sanay na ako sa mga imaginary deadlines na ilusyunada kong binibigay sa sarili ko, mega-submit ako on time.

Pinakawalan ko ang mga ideyang nakalagak sa bangko—marami sa mga ito’y maaaring sabihing weird para sa Batibot, gayunpaman, sinulat ko pa rin. Mga sirenang ‘inanod’ sa Batibot ng malakas na bagyo, mga mahaderang mansanas na ayaw kasama ang mga bayabas at saging sa iisang bilao, mga sepilyong mahilig magwalis ng tinga sa lungga ng bunganga, mga kabibeng kumakanta a la Pilita Corales. Weird nga, di ba? Care ko naman kung di nila magustuhan, at least, na-meet ko ang deadline ko (at feeling writer ako!).

Isang himalang nagustuhan nila ang mga sirenang ligaw, ang mga isnaberang mansanas, ang mga masinop na toothbrush at mga kabibeng mahilig mag-karaoke. Na-aprub ang mga sinulat ko. Inimbitahan nila akong magsulat ng buong bagong season. Muli, rumampa ako kasama si Maria Leonora Teresa. Binaybay ko ang mga sulok ng Cubao, Espana at Malate at nagpahinog ng mga bagong ideya.

Nagbunga ng bongga ang ritwal ng mga pagrampa. Maliban sa ilang maliliit na repaso, pumasa namang lahat ang mga sinulat ko. Inanyayahan akong maging regular writer, at salamat sa aking matimtimang hiling, tuluyan na akong naging bahagi ng pamilya ng Batibot.

Moral Lesson: Matutong mag-multi task habang rumarampa. Hanggang ngayon, mahilig pa rin akong mags*lsal ng mga ideya. Join ka?


2 comments:

Anonymous said...

absolutely brilliant. and amusing.

i am waiting for your next entry. we all are.

-raisa =)

Anonymous said...

dalsan you naman pagsulat...kakabitin eh..hehe

jenina