Sunday, April 26, 2009

Away-laway

(Mula sa susunod kong libro)



MAS maingay ako sa papel kaysa sa personal. Malimit nakapinid ang mga labi ko sa mga umpukan ng mga kwentong walang kwenta. Madalas mas gusto kong manahimik kung hindi rin lang ako hinihingan ng opinyon. Mas gusto kong makipagpitpitan ng ideya sa sarili ko kaysa makipagbulaan ng laway sa mga taong utak-tekla.

Kapag nakakarinig ako ng mga opinyong naiiba sa akin, keri lang. Kapag di ako sang-ayon sa paniniwala ng iba, dedma lang.

Kadalasan, kaya kong magtimpi—sabihin mong ikaw ang pinakamagandang bakla at nararapat sa cover ng isang prestisyosong magasin (Mega? Preview? Cosmo? National Geographics siguro dahil pinaghalong monkey-eating-eagle at eagle-eating-monkey ang fez mo!) ay hahayaan lang kitang magnaknak sa kagandahan hanggang mabulok ka sa ilusyon. O di ma’y sabihin mong sandamukal na hombre ang nakapila at nagkakandarapa sa alindog ng mga man boobs mo, e, sige lang ateh, hahayaan lang kitang madighay sa dami ng mga lalaki mo.

Kwidaw, may mga pagtitimpi na sadyang pinakakawalan sa hangin, hinahayaang kumulo sa init ng galit, bumula at bumulwak sa asar, at kapag hinog na sa angil at angas ay saka maigting na iraragasa sa kapalitang ngitngit. Pero higit na epektibong magpakawala ng asar ng tahimik. Ayoko ng maingay na away-laway, mas gusto ko ng aksyon. Pitpitan man ng bayag, bugbog kalabog o maaksyong asaran na walang daldalan—take your pick, mas gusto ko ang mga ito.

Exhibit A: Isang di kilalang dj (disc jockey) ang minsang nanligaw sa galit ko. At dahil sadyang mapagbigay ako, pinaunlakan ko s’ya ng katiting na atensyon.

Patpatin, maputla, malamya at kung di rin lang sa boses n’yang impit, at pa-sosing Tisoy accent—tiyak na hindi mo siya mapapansin. Kulang sa pansin siguro ang mokong dahil panay ang tira-kalikot sa mundo ng kashoklaan sa tuwing s’ya ang on-air sa radio station na pinapasukan namin. Hitik sa homophobia ang pa-ohm na itech habang masayang nakatutok ang bibig n’ya sa mataba, mahaba at dambuhalang mikropono.
Itago natin siya sa pangalang Little Phooey.

Tumimbre ang gaydar ko nang una ko siyang makita. May napick-up na pink waves ang third fallopian tube ko, pumalo ang antennae sa pamhinta y media, at muntik akong nahatsing sa puting matsing. Pero keri lang, to each his own, divah? Hindi importante kung ayaw n’yang magpabuking.

Posibleng mali ang sapantaha ko, pero malamang kaysa hindi, amoy ko ang kabaro ko. Kung gusto n’yang magtago sa kanyang closet na may mirror balls at magtago sa pundya ng panty ng asawa n’ya (Yesiree, may josawa ang jokla, nandamay pa ng murat ang b*rat para ikubli ang kanyang pagiging nota worshipper!)—e, nasa sa kanya na ‘yun. Sa madaling salita, CARE KOH NAMAN?!

Siguradong wagi ako sa pagka-Miss Friendship sa istasyon ng radyong pinapasukan namin dahil Best in Smile ako to everybody at namumulaklak ako sa “Hi-hellow-at-how are you?” to everyone. Masaya ako sa trabaho, mabait sa akin ang lahat at, I’m sure, kinagigiliwan nila ako (madalas kumalat ang mga gilagid sa paligid sa mga pakwela ko), pero Invisible Dyosa ako pagdating kay Putlang Bakla. Wala naman akong ginagawa sa di kagandahang taga-lupang ito, pero tila palaging nakatengga on midair ang ilong nya at ismid to the highest level ang drama pag nagkakasabay ng orbit ang aming mga planeta. Kung iisipin, napaka-redundant n’ya—klosetang bakla na nga s’ya, homophobic pa! Nakaka-grrr di ba? >: (

Minsan, inabutan ko si Little Phooey na nakikipag-chikahan sa aming technician sa labas ng radio booth. Isang talon lang ng palaka ang layo ko sa kanila mula sa pantry habang nagtitimpla ako ng kape. Biglang umalingawngaw ang “BAKLA! BAKLA KA NAMAN! BAKLAAAAH!!!” sabay segue sa isang mala-Elvira Manahan na halakhak. Si Little Phooey, labas lahat ang bagang sa kakatawa at sinasabihan ang technician na hindi naman talaga vhakler. Napatingin sa akin ang technician, hindi ito natatawa, may pangamba sa mga mata n’ya, tila naghihintay ng reaksyon mula sa akin. Maliwanag na ako ang pinariringgan ng potah. Pumait ang kape, nangati ang kamao ko, may gusto itong dapuan. Patience, sister, patience, ang sabi ko sa sarili ko. Ang maasar, talo.

Madali naman akong kausap. I only give what I receive, so pinalabhan ko kay Manang ang GI Jane suit ko, hiniram ko ang wrist band ni Zsazsa Zaturnnah at pina-cue ang World War III. Humandah kah, vhaklah kah.

Dumaan ang mga araw at winner kami ng Dedma Award sa isa’t-isa. Magkasalubong man kami’y wala kaming nakikita, Imbisibol ang drama. Pero pinag-adya ng pagkakataon at pinag-krus ang daan namin ng Putlang Bakla. Nang magkasabay kami sa elevator (kami lang ang nakasakay), I swear, kumislap ang mga nagkiskisang kulog at kidlat na kulay pink (Oo, peenk!).

Tandaan: As a universal rule of the goddesses, hindi pwedeng magsama ang dalawang dyosa sa isang mundong parisukat, lalo na sa elevator. Umasim ang paligid. Lumobo ang butas ng ilong ni Tisoy in hyper ismid mode. Pwes, inilabas ko ang compact press powder ko, inilapat ang malambot na pad sa pulbo, pinasadahan ng first coating ang beautiful face ko, at habang nasa stage ako ng second coating ay bumirit ako ng isang madamdaming “…who is this girl I see, starin’ straight back at me-ee-eeeh…” pinanginig ko pa ang dulo, naligo siya ng vibrato. at lalong nandilat ang ilong (mind you, hindi ang mga mata) ng pamhinta.

Nakasulat in bold, capital letters ang hmp! sa mukha n’ya samantalang nakapinta naman ang hihihi sa akin. Nagpakawala ng isang mainit na buntung hininga ang lokah, umusok ang ilong at umirap, pero wala akong nakita.

Isa pang pwes—nagpausok din ako, at di man n’ya nakita, e, siguradong naamoy n’ya. Paglabas namin ng elevator, naningkit na naiwan sa ngitngit si Tisoy, samantalang naka-chin up naman ako at feeling waging-wagi dahil nahigop ng Putlang Bakla ang, excuse me, kabag ko sa magdamag.

Ready na po ako for Round 2.